Byahe ng mga vessels sa Matnog Port sa Sorsogon, balik na sa normal

by Radyo La Verdad | December 16, 2015 (Wednesday) | 3234

ALLAN_RESUME
Balik normal na ang biyahe ng mga vessel sa Matnog Port sa Sorsogon matapos itong pansamantalang itigil dahil sa bagyong Nona.

Bagaman inanunsyo na ito kahapon ng umaga ng Philippine Ports Authority, alas-tres na ng hapon nakaalis ang unang vessel na patungong Visayas.

Paliwanag ni Roberto Esquillo, isa sa naka duty na opisyal ng PPA, tanghali nang nakarating sa port ang mga vessel.

Sa ngayon, may 3 vessel lamang ang bumabyahe mula Sorsogon patungong Visayas dahil ang ilan umano sa mga ito ay nasira din ng bagyong Nona.

Samantala, wala pa ring suplay ng kuryente sa buong Sorsogon.

Problema din ng mga residente sa lugar ang malinis na tubig kaya’t karamihan sa kanila ay nagtitiis sa mahabang pila mula sa isang bukal sa bundok para makakuha ng tubig inumin.

Gayundin, kanselado ang klase sa lahat ng antas sa mga paaralan sa Sorsogon.

Problema din ang signal ng mga networks provider sa probinsya.

Hanggang sa kasalukuyan hindi pa rin makapagbigay ng eksaktong ulat ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council hinggil sa kabuuang halaga ng pinsala sa Sorsogon.

Ayon kay Ariel Doctama, tapagsalita ng PDRRMC Sorsogon, mahirap pa ang komunikasyon sa ibang munisipalidad kaya hindi pa nila makuha ang ibang impormasyon.

(Allan Manansala / UNTV Correspondent)

Tags: , ,