Mula sa kasalukuyang daily minimum wage na 512 pesos, aabot na hanggang 537 pesos ang magiging basic pay sa mga empleyado sa National Capital Region (NCR) kada araw.
Ito ay matapos na pormal nang ianunsyo ng Department of Labor and Employment (DOLE) na makatatanggap ng dalawampu’t limang pisong umento sa sahod ang mga mangagawa sa pribadong sector sa Metro Manila.
Sasakupin ng naturang wage order ang mga regular na empleyado at pakyawan na nagtatrabaho ng walong oras kada araw.
Ayon sa DOLE at National Wages and Productivity Commission (NWPC), marami silang ikinonsidera bago mailabas ang naturang desisyon na umento sa sahod, ngunit malayo ito sa hinihiling ng labor sector na 334 pesos na umento.
Para sa pamilya Untod, hindi sapat ang ibinigay na bente singko pesos na umento sa sahod.
Ayon kay Aling Jennifer, pilit lang nilang pinagkakasya sa pang araw-araw na gastusin ang 15,000 pesos na sahod ng asawa ng isang construction worker.
Ito rin ang sentimiyento ng Associated Labor Union-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP).
Magiging epektibo ang bagong wage adjustment sa NCR matapos ang labinlimang araw na publikasyon nito sa mga pahayagan na may malawakang sirkulasyon.
( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )
Tags: Labor groups, Metro Manila, sahod