Sinampahan ng reklamong pandarambong o plunder sa Office of the Ombudsman ang kasalukuyang direktor ng PNP Directorate for Integrated Police Operations Southern Luzon na si Police Director Benjamin Lusad.
Ang kaso ay kaugnay sa hindi naibigy na daily subsistence allowance sa mga tauhan ng SAF noong 2016 at 2017. Si Lusad ay dating pinuno ng Special Action Force.
Kaya naman kahapon, tinanggal na sa pwesto ang opisyal
Ayon kay PNP Spokesman Chief Supt. John Bulalacao, layon nitong bigyang-daan ang ginagawang imbestigasyon ng Ombudsman.
Una nang sinabi ni outgoing PNP Chief PDG Ronald Bato Dela Rosa na hindi siya kumbinsido sa paliwanag ni Lusad sa isyu.
Sa ngayon aniya ay nagsasagawa na rin ng imbestigasyon at audit ang comptroller ng PNP kung bakit hindi naibigay ang subsistence allowance ng SAF.
30 pesos ang subsistence allowance ng SAF sa isang araw o P900 sa isang buwan.
Kung susumahin, umabot na sa 59.8 million pesos ang hindi naibigay na allowance sa mga tauhan ng SAF sa loob ng dalawang taon.
( Lea Ylagan / UNTV Correspondent )