Ilang opisyal ng PNP, sangkot sa operasyon ng iligal na droga batay sa special report mula kay Pangulong Duterte

by Radyo La Verdad | October 11, 2018 (Thursday) | 4644

Pinangalanan sa ‘secret special report’ na may petsang Setyembre 12, 2018 ang ilang opisyal ng Philippine National Police (PNP) na sangkot sa operasyon ng iligal na droga. Ibinigay ito mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga tauhan ng media Martes ng gabi.

Batay sa ulat, ilang opisyal ng PNP ang sangkot sa illegal drug trade kabilang na ang sinibak sa pwestong si PSSupt. Eduardo Acierto na dating pinuno ng binuwag na PNP Anti-illegal Drugs Group dahil sa murder case sa Korean businessman na si Jee Ick Joo.

Kabilang din ang dismissed na Philippine Drug Enforcement Agency Deputy Director General for Administration na si Ismael Fajardo.

Sa special report, kilala umano si fajardo na nagre-recycle ng iligal na drogang nakukumpiska.

Samantalang si Acierto naman ay sangkot sa mga maanomalyang procurement ng higit isang libong AK-47 rifles na napunta umano sa mga tauhan ng New People’s Army (NPA).

Nabanggit din sa special report ang nagbitiw sa pwestong si Customs Intelligence Officer Jimmy Guban at ang mga umano’y iregularidad nito sa Bureau of Customs (BOC).

Ang mga personalidad umanong ito ay mayroong ugnayan sa mga drug lords hindi lang sa Pilipinas kundi sa labas ng bansa.

Sangkot sa recycling ng iligal na droga at pangingikil sa mga Chinese Nationals sa ilalim ng mga lehitimong operasyon.

Nirerekomenda sa naturang special report na imbestigahan ang mga kwestyonableng yaman ng mga naturang personalidad.

Ayon naman sa PNP, pinaiimbestigahan na ang mga ito at agad na pinaaalis sa pwesto ang mga opisyal na aktibo pa.

Ang mga sangkot na tauhan ay nagsilbi sa iba’t-ibang anti-drug groups sa PNP sa nakaraang administrasyon at muling naitalaga sa revived na PNP-Drug Enforcement Group.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,