Ilang opisyal ng Bureau of Corrections, inirekomenda ng Ombudsman na kasuhan ng graft

by Radyo La Verdad | December 9, 2015 (Wednesday) | 1720

BUREAU-OF-CORRECTIONS
Nakahanap na ng probable cause o sapat na basehan ang Office of the Ombudsman upang kasuhan ng graft charges ang ilang matataas na opisyal mula sa Bureau of Corrections.

Ayon sa Ombudsman, nirerekomenda na nilang kasuhan ng paglabag sa anti graft and corrupt practices act si dating Acting Director Gaudencio Pangilinan, Chief Administrative Officer Ligaya Dador at Chief of Staff Venancio Santidad.

Habang paglabag naman sa government procurement law ang isasampa laban kay Pangilinan at isa pang administrative officer na si Larry Hari.

Base sa naging imbestigasyon ng Ombudsman, taong 2012 nang pakinabangan umano ng mga respondents ang pagpapagawa ng New Bilibid Prison building.

Hinati aniya ng respondents ang 1.4 million pesos na kontrata ng konstuksyon sa apat na bahagi upang makaiwas sa public bidding.

Napag-alaman din ng Ombudsman na noong road map launch ng BUCOR, gumastos sila ng 2.3 million pesos para lang sa pagkain, pagpapagawa ng tarpaulin at tents.

Dahil dito, ipinag-utos na rin ng Ombudsman ang perpetual disqualification from office at ipatanggal sa pwesto sa BUCOR sina Pangilinan, Santidad, Hari at Dador dahil sa grave misconduct.

Kasama rin sa kakasuhan ng graft ang walong private respondents mula sa contractors ng proyekto.

Samantala, tumanggi naman na magbigay muna ng pahayag ang BUCOR dahil hindi pa sila nakakakuha ng kopya ng dismissal order mula sa Ombudsman. ( Joyce Balancio/UNTV News)

Tags: , ,