Daan-daang miyembro ng Moro National Liberation Front o MNLF ang dumating sa Zamboanga City kaninang umaga.
Sakay ang mga ito nasa 20 sasakyan mula sa Maguindanao, Cotabato at iba pang probinsya sa Mindanao.
Noong una ay hinarang sila ng AFP Joint Task Group Zamboanga dahil sa kawalan ng koordinasyon ngunit kalaunan ay hinayaan na silang maka-alis matapos matiyak na hindi sila armado.
Naka-escort sa kanila ang militar papunta sa pier kung saan sila sumakay ng barko pa-Sulu upang dumalo sa inaasahang pagpupulong nina President Rodrigo Duterte at MNLF Founding Chairman Nur Misuari.
Una nang sinabi ni Pangulong Duterte na makikipag-usap siya sa MNLF at Moro Islamic Liberation Front upang talakayin ang peace process pati na ang isinusulong na Federalism Form of Government.
Inihayag naman ng Zamboanga City Government na nagdulot ng tensiyon ang pagdaan ng mnlf sa kanilang lungsod lalo’t sariwa pa sa kanilang ala-ala ang ginawang paglusob ng grupo noong 2013.
Bagaman walang koordinasyon ang pagdaan ng MNLF convoy, sinabi ng city government na malaya naman silang tumuntong sa lungsod basta’t huwag lang gagawa ng karahasan o anumang labag sa batas.
(Dante Amento / UNTV Correspondent)
Tags: dayalogo kay Pangulong Duterte, Ilang miyembro ng MNLF, nagsimula nang magtungo sa Sulu