Ilang miyembro ng Aegis Juris Fraternity, handang sumailalim sa DNA testing

by Radyo La Verdad | October 19, 2017 (Thursday) | 2969

Pumayag na sumailalim sa DNA testing ang apat sa mga miyembro ng Aegis Juris Fraternity na humarap sa pagdinig kahapon ng senado kaugnay ng Atio hazing case.

Ayon kay Senator Win Gatchalian, ito ay upang mapatunayan na hindi kasama ang mga ito sa krimen.

Tumanggi naman ang mas nakararaming miyembro ng fraternity sa hamong DNA testing ni Sen. Gatchalian.

Kabilang na si Arvin Balag na itinuro ni John Solano na Presidente ng Aegis Juris at si Ralph Trangia na umanoý may-ari ng sasakyang ginamit sa pagdadala kay “Atio” sa ospital.

 

 

Tags: , ,

Mark Ventura, inihayag na mayroong pumigil upang dalhin agad sa ospital si Atio

by Radyo La Verdad | November 7, 2017 (Tuesday) | 8538

Limitado lamang ang detalye na ibinigay ng Aegis Juris Fraternity member turned state witness na si Marc Ventura sa muling pagpapatuloy ng pagdinig ng senado sa kaso ng hazing victim na si Horacio “Atio” Castillo III.

Ayon sa mga senador, ito ay upang hindi makaapekto sa kaso. Kabilang sa isinalaysay ni Ventura ang mga huling sandali ni “Atio” sa initiation rites noong September 17.

Aniya, apat ang halinhinang pumapalo kay Atio bago ito nawalan ng malay. Nagawa pa anila itong i-upo at kausapin matapos bumagsak ngunit hindi na ito nagrerespond. Kwento pa ni Ventura, tumagal ng nasa tatlumpung minuto bago dalhin sa ospital si Atio.

Nagpahayag naman ng pagkadismaya sina Senators Juan Miguel Zubiri at Grace Poe kay John Paul Solano na una nang inaasahang magbibigay ng konkretong detalye sa krimen. Dahil ito sa tila pagninisi ni Solano sa sakit sa puso ni Atio kaya ito nasawi.

Gayunman, taliwas ito sa resulta ng final autopsy ng PNP kay Castillo. Muli namang umapela ang magulang ni Atio na tuluyan nang ipagbawal ang hazing.

Samantala, mananatili namang nakadetine sa senado ang itinuturong lider ng Aegis Juris na si Arvin Balag habang hinihintay ang resulta ng petisyon nito sa Korte Suprema.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,

Sakit sa puso, hindi hazing ang ikinamatay ni Atio Castillo – Solano

by Radyo La Verdad | October 25, 2017 (Wednesday) | 4536

Nagsumite na ng kontra-salaysay sa DOJ ang dalawampung miyembro ng Aegis Juris Fraternity bilang depensa sa mga reklamong kinakaharap nila kaugnay ng pagkamatay ni Atio Castillo.

Ayon sa principal suspect  na si John Paul Solano, walang basehan upang kasuhan siya ng murder, paglabag sa anti-hazing law, perjury at obstruction of justice. Sa kanyang counter affidavit, sinabi nito na sakit sa puso ang ikinamatay ni Atio at hindi hazing o pananakit ng mga kasamahan sa fraternity.

Malinaw aniya sa medico legal report na may HCM o hypertrophic cardiomyopathy si Atio, isang kondisyon na nagpapataas ng risk ng atake sa puso. Batay umano sa kanyang napag-aralan bilang medical technologist, dati na itong sakit ng biktima at hindi resulta ng hazing.

Ayon pa sa kanyang abogado na si Atty. Paterno Esmaquel, walang sinasabi sa medico legal report na namatay sa hazing si Atio. Itinanggi naman ito ng mga magulang ni Atio at ayon sa ina nito na si Carmina Castillo, maayos ang kalusugan ng kanilang anak. Ayon naman sa Manila police bahala na ang crime laboratory na sagutin ang alegasyon ni Solano.

Si Solano ang nagdala kay Atio sa Chinese General Hospital kung saan idineklara itong dead on arrival. Pero ayon kay Solano, inutusan lamang siya ni Arvin Balag na dalhin sa ospital si Atio.

Tinawagan umano siya ni Ojay Onofre  at pinapunta siya sa kanilang fraternity library. Inabutan umano niya roon na nakahandusay at walang malay si Atio habang di mapakali ang anim na ka-brod kasama na sina Balag at Onofre.

Sinubukan umano niyang i-CPR si Atio ngunit walang nangyari kayat sinabi niya sa mga kasamahan sa fraternity na kailangan itong isugod sa ospital. Sinabi pa ni Solano na wala siyang alam sa sinasabing initiation rites kay Atio.

Itutuloy sa Lunes ang preliminary investigation sa kaso.

 

( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,

Aegis Juris Fraternity members na sangkot sa pagkamatay ni Horacio Atio Castillo III, humarap sa pagdinig sa Senado

by Radyo La Verdad | October 18, 2017 (Wednesday) | 4708

Dumalo na sa pagdinig ng Senado ang mga miyembro ng Aegis Juris Fraternity na sangkot sa pagkamatay ng UST law student na si Horacio “Atio” Castillo III.

Ilan sa mga ito ay sina Arvin Balag, OJ Onofre, Axel Hipe, at si Ralph Trangia. Binasa rin sa pagdinig ang ilang bahagi ng salaysay ni Solano sa isinagawang executive session noong September 25 matapos itong mabigong magsumite ng sworn affidavit.

Dito pinangalan niya ang si Balag bilang Presidente ng fraternity na nagsabi rin umano sa kanya na magsinungaling at sabihing napulot lamang niya si Castillo sa kalsada ng Balut, Tondo. Si Onofre naman umano ang tumawag sa kanya noong umaga ng September 17 upang respondehan ang wala nang malay na si Atio.

Samantala, si Hipe na sinasabing nagrecruit kay Atio ang nadatnan niya sa frat house at isa sa mga kasama niya na nagdala sa biktima sa Chinese General Hospital habang kay Trangia naman ang pulang pick-up na nagsakay sa walang malay na si Castillo.

Ngunit sa pagtatanong ng mga senador ay wala silang nakuhang impormasyon sa mga ito dahil lahat sila ay nag-invoke ng kanilang right against self incrimination, bagay na ikinadismaya ng mga mambabatas.

Cited for contempt ng senate panel si Balag dahil sa patuloy na pagtangging aminin na siya ang kasalukuyang pinuno ng Aegis Juris. Umapela si Balag na bawiin ito ng mga senador.

Iprinisinta naman ni Manila Police District Head CSupt. Joel Coronel ang palitan ng fb chat messages ng mga pinuno at miyembro ng Aegis Juris Fraternity  noong September 17 at 18 na nagpapakita ng tangkang pag- cover up at planong pagtakas sa pananagutan sa pagkamatay ni Atio.

Iprinisinta rin ang CCTV footage sa elevator ng Novotel kung saan pumunta ang mga frat brothers para sa isang meeting upang pag-usapan ang mga hakbang na gagawin sa pagkamatay ni Atio. Ayon kay Sen. Lacson, matibay itong ebidensya laban sa Aegis Juris.

Samantala, mariin namang itinanggi ni UST Faculty of Civil Law Dean Nilo Divina na may kinalaman siya sa pagkamatay ni Atio.

Umaasa naman ang magulang ni Atio na  ituloy-tuloy ni Solano na makipagtulungan upang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kanilang anak. Umapela rin ang mag- asawang Castillo na ibalik ang cellphone, eyeglasses at relo ni Atio.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

 

 

 

Tags: , ,

More News