Ilang mga pagbabago sa serbisyo ng mga TNVS, iprinisinta ng Grab

by Radyo La Verdad | May 9, 2018 (Wednesday) | 2401

Sa loob ng susunod na isang daang araw, iba’t-ibang mga pagbabago ang ilulunsad ng Grab Philippines sa kanilang ride-booking system.

Upang maiwasan ang mga insidente ng ride cancellation, magbibigay ang Grab ng incentive sa lahat ng mga top performing drivers. Ito ay ang mga driver na makakakuha ng maraming ride-bookings, gayundin ang may mataas at magandang rating sa kanilang mga pasahero.

Mas pag-iibayuhin rin ng mga ito ang kanilang driver’s academy upang maituro ang tamang customer service, road courtesy at iba pa.

May mga bagong feature din sa mobile application ang ilulunsad ng Grab upang mas mapadali ang pagtukoy ng mga driver sa pick-up point ng mga pasahero. Gayundin ang pagpili ng serbisyo na Grab na nais ma-ibook ng mga pasahero.

Samantala, magpapatupad na rin ang Grab ng passenger no feature sa kanilang application.

Tulad ng Uber, sa ngayon ay pinag-aaralan na rin ng Grab ang pagpapataw ng cancellation fee upang madisplina ang mga pasaway na driver at mga pasahero.

Sa usapin naman ng pagtugon sa mga reklamo, mas paiigtingin pa ng kumpanya ang kanilang customer service team.

Isang sos button rin ang ilulunsad ng naturang TNC, na otomatikong kokonekta sa 911, sakaling magkaroon ng emergency.

Pag-aaralan naman ng Grab kung magiging epektibo ang mga bagong polisiya upang maresolba ang mga isyu at reklamo ukol sa kanilang serbisyo.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,