Ilang mga paaralan, naghahanda na para sa pagbabalik ng face-to-face classes

by Radyo La Verdad | February 7, 2022 (Monday) | 10643

Tuloy-tuloy ang mga isinasagawang inspeksyon ng Department of Education sa mga paghahanda na ginagawa ngayon ng mga paaralan na kasama sa expansion phase ng limited face-to-face classes.

Nasa tatlong daang at apat na pampublikong paaralan sa mga lugar na nasa ilalim ng alert level 2 ang lalahok dito.

Kabilang na rito ang mga piling paaralan mula sa Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon at National Capital Region.

Sa Metro Manila, nagsagawa na ng simulation ang Navotas National High School para sa  pisikal na pagbabalik-eskwela ng mga estudyante.

Ilan sa nakilahok sa isinagawang simulation ang limang estudyante ng nasabing paaralan na fully vaccinated na at may consent mula sa magulang.

Sa Paranaque City naman, muling mag-iinspeksyon ang LGU sa mga eskwelahan ngayong maaari nang magdagdag ng mga paaralan na pwede nang mag-physical classes.

“Sa part naman ng City papasok ulit kami sa campus na ‘yan tapos isa-sanitize namin ulit kasi napabayaan eh, before we allow again the face-to-face classes,” ani Mar Jimenez, Head, PIP, Parañaque.

Apat na paaralan naman sa Mandaluyong City ang handa na rin para sa inperson learning.

“Okay na si Mayor sa face-to-face classes. Apat na schools, so okay na kami sa face-to-face,” ani Jimmy Isidro

head, PIO Mandaluyong City.

Sa Miyerkules, February 9, nakatakdang magsimula ang limited physical classes sa NCR kung saan isangdaan at labingwalong paaralan ang inaasahang lalahok.

Ngayong araw magsisimula ang academic quarter 3  sa ilang piling paaralan sa Southern Leyte.

Ngunit may ilang eskwelahan ang magsisimula ng kanilang physical classes sa February 14 gaya ng Cavite at Rizal.

Sa February 21 naman magsisimula ang limited face-to-face classes ng 106 na paaralan sa Bulacan.

Una nang ipinag-utos ng DEPED sa mga Regional Directors nito na tiyakin na nakasusunod at pasado ang mga paaralan sa school safety assessment.

Janice Ingente | UNTV News

Tags: , ,