METRO MANILA – Suportado ng ilang mambabatas ang panukala ng National Economic and Development Authority (NEDA) na isailalim na sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) ang buong bansa simula sa Marso 1.
Pero kung ang ilang alkalde ng Metro Manila ang tatanungin, hindi pa napapanahong luwagan ang quarantine classfication sa kanilang lugar.
Para kay Marikina Mayor Marcy Teodoro, tila masyado pang maaga na sumailalim sa mgcq.
“Gusto natin ang mgcq pero baka hindi pa napapanahon ngayon maaring maghintay tayo ng kaunti pang panahon. Gradual ang paglift ng mga quarantine restrictions natin at kailangan maging consistent tayo duon sa proteksyon na binibigay natin sa ating mga mamamayan” ani Marikina City Mayor Marcy Teodoro.
Si San Juan Mayor Francis Zamora, mas gusto munang manatili sa General Community Quarantine (GCQ) ang lungsod dahil baka masayang lamang umano ang kanilang pinaghirapan sa mga nagdaang buwan.
Hindi rin muna pabor ang alkade sa pagbabalik ng face-to-face classes habang wala pang bakuna.
“Sa ilalim naman ng GCQ, nakakapag negosyo naman ang mga tao ang gusto ko lang ho sabihin, ngayon po halos nasa dulo na po tayo ng tunnel, we’re almost at the end of the tunnel, we are seeing the light, baka kung magmadali tayo masyado ay umatras naman tayo.” ani San Juan Mayor Francis Zamora.
Pero si Makati City Mayor Abby Binay, naniniwalang napapanahon nang subukan kung kaya na ng bansa na unti-unting luwagan ang quarantine restrictions.
“I think it’s high time that we test — are we ready to shift? Edi tingnan natin kung kaya na nating mag mgcq kasi for over a year, we have sided more on health rather than the economy and obviously the economy has taken its toll.” ani Makati City Mayor Abby Binay.
Pero napuna rin ng alkalde ang umano’y kawalan ng konsultasyon sa kanila ng IATF bago mag-anunsyo ng mga bagong polisiya.
“Minsan parang naaalala kami, minsan hindi kami naaalala. Parang kami lahat ‘huh?’ lahat kami nagkakagulatan na ‘ano daw? Ano sabi?’ Nagkakagulo, nalilito po lahat ng tao. Tapos kami inaaway, yung mga mayor, yung mga nag-iimplement. Kasi sila po policy, pero kami nag-i-implement. Kami yung napapagod, kami yung naaaway, kami yung pinapagalitan.” ani Makati City Mayor Abby Binay.
Wala pang pahayag ang IATF patungkol sa isyu.
(Harlene Delgado | UNTV News)