Ilang manufacturers, humihiling ng panibagong umento sa presyo ng tinapay, sabon at sardinas

by Radyo La Verdad | June 8, 2022 (Wednesday) | 9863

METRO MANILA – Muling nakatanggap ng panibagong request ang Department of Trade and Industry (DTI) mula sa ilang mga manufacturer na humihiling na payagan silang magtaas ng presyo ng kanilang produkto.

Ayon sa DTI, ilan sa mga ito ang mga kumpanyang gumagawa ng Pinoy tasty, detergent bar o sabong panlaba at de latang sardinas.

Paliwanag ni DTI Undersecretary Ruth Castelo naghain ng panibagong request ang manufacturers ng Pinoy tasty dahil sa masyado nang mahal ang  inaangkat na wheat flour.

Nasa P0.20 hanggang P1.50 ang maaaring maging dagdag-presyo sa ilang produkto.

Pero ayon sa DTI pag-aaralan pa nila ng mabuti ang request, at kapag nakakita ng sapat na batayan sa hinihinging taas-presyo ay maari nila itong aprubahan.

Ayon kay Usec Castelo, kadalasang inaabot ng apat hanggang anim na linggo ang deliberasyon ng DTI, para desisyunan ang hinihiling na price increase sa mga produkto.

Sa ngayon, 3 pa lamang ang nagsumite ng panibagong request sa ahensya.

Muling ipinaliwanag ng DTI sa publiko na ang krisis sa global suplay na dulot ng gulo sa pagitang ng Ukraine at Russia ang siyang dahilan kung bakit nagtataasan ang presyo ng mga bilihin, at hindi lamang ang Pilipinas ang nakararanas nito.

Upang kahit papaano ay makatipid sa budget, payo ng DTI sa mga konsyumer, mas makakabuti kung mamimili sa mga supermarket o grocery dahil makatitiyak ang mga mamimili na kanilang binabatayan kung sinusunod ng mga ito ang itinatakdang Suggested Retail Price (SRP).

Ayon pa sa DTI nag-iiba na kasi ang presyo ng mga produkto kung bibilhin na ito  sa mga maliliit na tindahan sa palengke o sa mga sari-sari store.

(Aileen Cerrudo | UNTV News)

Tags: , , , ,