Ilang Manufacturer ng Hamon, humihirit ng dagdag presyo Ngayong Ber Months

by Erika Endraca | October 15, 2019 (Tuesday) | 1060

MANILA, Philippines – Naghain na ng petisyon sa Department of Trade and Industry  (DTI)  ang 6  na manufacturer ng hamon. Humihirit ang mga ito na itaas ng  15% ang presyo ng ham sa merkado.

Bunsod anila ito ng pagtaas ng halaga ng raw materials, at ang epekto ng African Swine Fever (ASF). Subalit ayon kay DTI Undersecretary Ruth Castelo hindi dapat na maging batayan ang ASF sa price increase.

“We know that it has been contained and alam naman natin kung saan lang dapat na countries pwedeng manggaling yun hindi dapat makaapekto dun sa presyo.” ani DTI Undersecretary Ruth Castelo.

Sa susunod na Linggo nakatakdang magpulong ang DTI at ang Department Of The Interior And Local Government (DILG)  hinggil sa ban ng pagpasok ng meat products sa mga lokal na pamahalaan na hindi apektado ng virus.

Giit ng DTI, walang dapat na ikabahala ang mga LGU sa pagbebenta at pagkain ng karneng baboy basta’t dumaan at aprubado ito ng National Meat Inspection (NMI).

Samantala, nagbabala naman ang DTI laban sa mga tindera na nagbebenta ng mataas na presyo ng karne. Ayon kay DTI Undersecretary Castelo dapat ay hindi na humigit sa P200 ang bentahan ng karne sa palengke dahil bumagsak na ang farm gate price nito.

“Ang presyo dapat ng pork sa retail sa palengke should be at maximum P180 yung P230 na nakikita natin sobrang mahal.” ani DTI Undersecretary Ruth Castelo.

Pero sa Nepa Q Mart at Balintawak Market napag-alaman na ibinebenta ang karne ng baboy sa mataas na presyo, pero depensa nila mababa na umano ito.

Ayon sa DTI, malinaw na paglabag sa consumer protection act at mananagot sa batas ang sinomang negosyante na magsasamantala sa mga konsyumer.

(Joan Nano | UNTV News)

Tags: