Tatlumpu’t dalawang taon nang empleyado sa Presidential Secretariat Office si Beldad Gandarao.
Nag-umpisa bilang messenger noong 1984 at ngayo’y isa ng special assistant sa Malacañang Press Corps.
Si Aling Alejandra naman, naka-anim na palit na ng pangulo ng bansa at nananatiling isa sa mga nagsisilbi sa pamamagitan ng pagpapanatili ng kalinisan ng kapaligiran sa Malakanyang.
Mula sa sahod na limang libong piso kada buwan noong 1986, ngayo’y 11, 500 pesos na ang kaniyang monthly salary.
Habang si Ike Barellos na isang hardinero, nakapag-asawa at nagkaroon na rin ng anak habang nagta-trabaho sa palasyo ng Malakanyang.
Ilan lamang sila sa mga manggagawa sa opisyal na tirahan at tanggapan ng pangulo ng Pilipinas.
Bagaman hindi kalakihan ang sahod, pinili nilang manatili sa kanilang mga trabaho dahil ito na ang nagtaguyod sa kanilang mga pang-araw-araw na pangangailangan.
At ngayong nalalapit na namanang pagpapalit ng administrasyon sa bansa, inaabangan din nila ang mga magiging pagbabagong hatid ng bagong pangulo.
Handa naman ang mga nagtatrabaho sa malakanyang lalo na ang mga regular na empleyado na makipagtulungan at sumunod sa mga ipapatupad na pagbabago ng ika-16 na pangulo na bansa na si Rodrigo Duterte.
Ganunpaman, umaasa rin silang maipagkakaloob sa kanilang susunod na pangulo ang mga karampatang benepisyo sa kanilang ginagawang serbisyo.
(Rosalie Coz / UNTV Correspondnet)