Ilang maliliit na negosyo, nanganganib na hindi makapagbigay ng 13th month pay sa kanilang mga empleyado – ECOP

by Erika Endraca | October 13, 2021 (Wednesday) | 3087

METRO MANILA – Posibleng umabot sa P3-M manggagawa mula sa formal sector ang nanganganib na hindi makatanggap ng 13th month pay ngayong taon.

Ayon kay Employer Confederation of the Philippines President Sergio Ortiz Luis Junior, marami sa mga maliliit na negosyo ang patuloy na nahihirapan sa gitna ng pandemya.

“Kalahati ng micro nagsara na, wala namang 13th month pay kung nagsara na, ang natitirang kalahati e yun ang nanganganib na hindi makapagbigay” ani ECOP President, Sergio Ortiz-Luis Jr.

Kinausap na aniya nila ang Department of Labor and Employment at Department of Trade and Industry ukol sa problema na ito.

Ayon kay Ortiz, naghahanap na ng paraan si DTI Secretary Ramon Lopez para magkaroon ng pondo at maipautang sa mga maliliit na negosyo para may maipambayad sa kanilang mga manggagawa sa katapusan ng taon.

“At mukhang malaking tiyansa na makagawa ng facility para yung mga walang pambayad–gustong magbayad ng 13th month pay– makautang sila na, hopefully, walang interest. At least one year to pay.
Iyon sana gusto kong mangyari.” ani ECOP President, Sergio Ortiz-Luis Jr.

May natatanggap na rin na reklamo mula sa mga manggagawa ang associated labor unions-trade union congress of the philippines o alu-tucp ukol sa isyu ng pagbibigay ng 13th month pay.

“Nagpa-abot na ng notice sa amin dahil sinasabihan daw sila ng kanilang mga supervisor na nagpaparinig sa kanila at sinasabi na baka hindi sila mabigyan ng 13th month pay this year dahil nga hirap na hirap ang kumpanya na maka-recover.” ani ALU-TUCP Spokesperson, Alan Tanjusay.

Ayon kay ALU-TUCP Spokesperson, Alan Tanjusay, kung wala talagang maipambabayad ang mga kumpanya maaari namang mag-usap ang employer at employee para sa installment ng benepisyo.

“Magkasundo sila kung paano yung installment, hanggang kailan yung installment, ilang installment babayaran yung 13th month pay.” ani ALU-TUCP Spokesperson, Alan Tanjusay.

Isinusulong din ng grupo na magkaroon ng pautang ang pamahalaan sa mga negosyante para mapunan ang pagbabayad ng 13th month pay na mandato ng kumpanya sa ilalim ng umiiral na batas.

(Nel Maribojoc | UNTV News)

Tags: