Ilang magsasaka sa Nueva Ecija, nagsagawa ng force harvest dahil sa pinangangambahang pananalasa ng Bagyong Ompong

by Radyo La Verdad | September 12, 2018 (Wednesday) | 3656

Kabilang ang dalawang ektaryang taniman ng palay ni Mang Magno Santiago sa itinuturing na low lying area sa Nueva Ecija. Limampung libong piso ang gastos niya sa kanyang itinanim na palay.

Nakatakda na sana nyang gapasin ito sa katapusan ng Setyembre at inaasahan nyang aani siya ng animnapung kabang palay kada ektaryang lupa.

Subalit laking pagkadismaya niya ng mabalitaan may paparating na malakas na bagyo.

Kaya kahit wala pa sa panahon ay napilitan na niya itong anihin kaysa sa walang mapakinabangan.

Ayon sa Cabanatuan City Agriculture and Livelihood Management Office (CALMO), halos nubenta porsyento ng mga palayan sa lunsod ay katatanim lamang at wala pang bunga.

Katapusan pa anya ng oktobre nakatakdang anihin ang mga ito na pawang mga hybrid rice.

Wala na rin anya silang magagawang paraan kundi payuhan na lamang ang mga magsasaka na ngayon pa lang ay patuyuin na ang kanilang bukid upang kahit papaanoy huwag lumubog sa tubig baha kapag dumating na bagyo.

Naghahanda na rin ang CALMO upang magbigay ng ayuda sa mga maapektuhang magsasaka.

 

( Danny Munar / UNTV Correspondent )

Tags: , ,