Matapos umpisahan sa ilang mga piling ospital ang pagbabakuna ng booster sa mga immunocompromised na mga 12 to 17 years old nitong Martes, nagsimula na rin ang roll-out ng ilang mga LGU sa National Capital Region noong Miyerkules, June 22, para magbakuna ng booster sa naturang priority group.
Kabilang dito ang lokal na pamahalaan ng San Juan City kung saan aabot sa dalawampung mga batang 12 to 17 years old na immunocompromised ang dumating sa Cardinal Santos Medical Center upang magpabakuna ng booster dose.
Batay sa datos ng San Juan LGU, nasa higit limang libo na mga kabataan sa nasabing age group ang target na mabigyan ng booster dose sa lungsod kasama na ang mga healthy minor.
Ayon kay Mayor Francis Zamora, pinaghahandaan na rin nila ang booster dose vaccination sa healthy minors kung saan ang Greenhills Shopping Center ang gagamiting vaccination site para dito.
“Once we start with our 12 to 17 that are not immunocompromised, I am sure na papayagan kami sa aming regular vaccination sites gaya ng pagpayag naman sa amin noon nung binakunahan namin sila ng first at second dose, handa naman tayo, meron tayong greenhills vaccination sites,” ani Mayor Francis Zamora, San Juan City.
Bukod sa San Juan City, nagsimula na rin kahapon ng booster vaccination sa immunocompromised na 12 to 17 ang syudad ng Maynila. Ang old building ng Ospital ng Maynila ang nagsilbing vaccination site.
Habang ang Mandaluyong City naman, nag-anunsyo na sa kanilang facebook page para iparehistro ng mga magulang ang kanilang mga anak na immunocompromised.
Wala pang sinabi ang Mandaluyong City kung kailan magsisimula ng first booster shot para sa 12 to 17 years old.
Ayon sa ilang mga magulang, nagdesisyon na silang agad pabakunahan ng booster ang kanilang mga anak upang magkaroon ng ibayong proteksyon lalo’t inaasahan na ang muling pagbubukas ng face-to-face classes.
Bukod dito, mainam din anila na ma-booster ang kanilang anak lalo’t may naitatala nanamang pagtaas ng mga kaso ng Covid-19.
Nauna nang sinabi ng National Vaccination Operations Center na maaaring ngayong darating na weekend ay masimulan na rin ang roll-out ng first booster shot para naman sa grupo ng healthy minors kung saan bukod sa mga ospital, maaari na itong isagawa sa iba pang mga vaccination site ng mga LGU.
(JP Nuñez | UNTV News)
Tags: Booster Shot, Covid-19, COVID-19 Vaccine