Nakaranas ng pitong oras na brownout ang ilang lugar sa Mindanao kahapon, pero naibalik din ang suplay ng kuryente bandang 7:50 ng umaga, ayon National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Tinitignan ng mga otoridad ang anggulong security lapses o sabotage sa nangyaring blackout na nagsimula ng 1:01 ng madaling araw.
Nawalan ng kuryente sa ilang lugar sa Southern Mindanao kabilang ang mga lungsod ng Davao, Tagum, Samal, Digos at Mati. Kabilang din sa nawalan ng kuryente ang mga lalawigan ng North Cotabato, South Cotabato, Misamis Oriental, Zamboanga del Sur, Zamboanga del Norte, Misamis Occidental, Agusan del Sur, Agusan del Norte, Surigao del Sur, Surigao del Norte, Bukidnon, Sarangani and Sultan Kudarat maging ang mga lungsod ng Iligan, General Santos, Butuan, Surigao, Gingoog, Zamboanga at Cagayan de Oro.
Ayon kay Energy Secretary Jericho Petilla, batay sa mga inisyal na ulat, nagsimula ang blackout nang magkaroon umano ng line tripping sa Agus 6 at Agus 7 hydroelectric powerplant.
Pero patuloy ngayong gumugulong ang imbestigasyon para matukoy ang tunay na dahilan ng naturang blackout. Ayon kay Petilla, posibleng abutin ng ilang linggo bago matapos ang imbestigasyon.
Tags: blackout, DOE, Jericho Petilla, NGCP