Ilang lugar sa Metro Manila nakaranas ng pagbaha dahil sa malakas na pag-ulan, mga pasahero na-stranded

by Radyo La Verdad | June 22, 2018 (Friday) | 6605

Daan daang pasahero ang na-stranded, nagdulot ng pagbaha ang ilang lugar sa Metro Manila matapos ang malakas na buhos ng ulan na nag-umpisa pasado alas singko ng hapon kahapon.

Ayon sa PAGASA dulot ito ng thunderstorms o biglaang pag-ulan na tumagal ng halos 20 minuto sa Almar Zabarte, Caloocan City.

Tinangay ng agos ng baha ang ilang orange barrier at halos nakikipagsabayan na ang mga ito sa mga sasakyang dumadaan sa kalsada nagdulot pa ito trapiko sa lugar matapos maharangan ang mga sasakyan ng mga barrier.

Sa Anonas street sa Quezon City, mabagal ang usad ng mga sasakyan dahil sa tila naging ilog ang kalsada sa baha maging sa Mother Ignacia Avenue.

Tila mala-waterfalls naman ang agos ng baha, habang sa Mindanao Avenue ay malalim na tubig ang baha sa bahagi naman ng Kasayahan Street, Barangay Batasan Hills.

Lumusong na ang ilang residente sa baha na hanggang tuhod ganon din ang sitwasyon sa España Boulevard, Manila.

Ang baha sa R. Papa street malapit sa LRT Station hanggang baywang kaya para makatawid ang mga pasahero sa kabilang lane at maiwasang lumusong sa baha ay may sumakay na sa lifeboat na pinadala ng lokal na pamahalaan.

Mala-ilog din ang baha sa ilalim ng LRT Balintawak Station dahil sa nangyari, daan daang pasahero ang na-stranded, partikular sa Edsa Trinoma hanggang North Avenue at nagdulot ng mabigat na trapiko sa ilang highway sa Metro Manila.

Siksikan sa mga bus at pampasaherong jeep kayat naipon ang mga pasahero sa mga waiting shed na naghihintay ng masasakyan.

Halos tatlong oras din naghintay ang mga pasahero at alas onse na kagabi nakasakay ang maraming pasahero matapos humupa ang baha at tumila ang ulan.

 

( Reynante Ponte / UNTV Correspondent )

Tags: , ,