Ilang lugar sa Metro Manila, Bulacan makararanas ng water service interruption mula May 16 – June 1

by Radyo La Verdad | May 17, 2022 (Tuesday) | 17955

METRO MANILA – Nagsimula na kagabi (May 16) ang 2 linggong water service interruption na ipatutupad ng Maynilad hanggang sa June 1.

Ayon sa Water Concessionaire masyadong tumataas ang demand ng tubig sa ngayon lalo na tuwing umaga, kaya’t mangangailangan sila ng mas mahabang oras upang makaimbak ng tubig sa planta na siyang isu-suplay sa mga residente.

Dahil dito mararanasan ang 6 na oras na interruption mula alas-10 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling araw.

Kabilang sa mga lugar na apektado ang Caloocan City, Makati City, Malabon City, Maynila, gayon din ang Navotas, Parañaque, Pasay, Quezon City, at Valenzuela, gayundin ang ilang parte ng Bulacan.

Matapos mabalitaan ang service interruption, ang ilang nga negosyante sa Quezon City, naghanda na ng kanilang mga container para pagimbakan ng tubig upang hindi maabala ang kanilang negosyo

Dumadaing ang ilang mga residente lalo na ang mga maliliit na negosyante na nakadepende ang operasyon sa suplay ng tubig, gaya na lamang ng mga karinderia.

Nangako naman Maynilad na magdedeploy sila ng mga mobile water tanker na magiikot upang makadagdag sa imbak na tubig ng mga apektadong residente. Pinapayuhan naman ang mga maapektuhang residente na mag-imbak ng tubig sa mga oras na mayroong suplay.

(JP Nuñez | UNTV News)

Tags: ,