Ilang lugar sa Metro Manila, binaha kagabi matapos bumuhos ang malakas na ulan

by Radyo La Verdad | June 22, 2018 (Friday) | 7305

Pasado alas singko ng hapon kahapon ng bumuhos ang malakas na ulan sa Metro Manila.

Ang ilang minutong ulan, nagdulot ng baha sa ilang lugar sa Metro Manila. Sa Almar Zabarte, Caloocan City tinangay ng agos ng baha ang ilang orange barrier.

Nagdulot ito ng pagbigat ng trapiko sa lugar dahil humarang sa kalsada ang mga barrier. Sa Anonas street sa Quezon City, mabagal din ang usad ng mga sasakyan dahil sa baha.

Malakas na agos ng tubig baha naman ang naranasan sa may Mother Ignacia Avenue habang malalim na tubig-baha naman ang naranasan ng mga motorista sa Mindanao Avenue.

Lumusong naman sa hanggang tuhod na baha ang mga residente sa Barangay Batasan Hills.

Pero umabot naman sa hanggang baywang ang lalim ng tubig baha sa may R. Papa street habang malalim na tubig-baha naman sa may España. Bumaha rin sa may LRT Balintawak station. Dahil sa baha at traffic daan-daang pasahero ang stranded.

Sa may Edsa North Avenue, sa mismong kalsada na nag-aabang ng masasakyan ang ilang pasahero. Subalit siksikan na ang mga bus at pampasaherong jeep na dumadaan.

Alas onse na ng gabi nakasakay ang maraming pasahero matapos humupa ang baha at tumila ang ulan.

Ayon sa PAGASA, thunderstorms ang dahilan ng malakas na pagulan kagabi sa Metro Manila at mga karatig lalawigan.

Ang maaliwalas na panahon sa umaga ay nagbigay daan para maipon ang tubig sa kalangitan na siyang bumuhos naman mula alas 3 ng hapon.

Dagdag pa dito ang kombinasyong epekto ng habagat na nakakaapekto sa kanlurang bahagi ng Northern at Central Luzon.

Mula alas singko ng hapon hanggang alas otso ng gabi ay nakapagtala ang PAGASA ng 97mm na dami ng ulan na katumbas ng mahigit sa isang linggong ulan ngayong buwan ng Hunyo.

 

( Victor Cosare / UNTV Correspondent )

Tags: , ,