Mula kaninang madaling araw ay walang tigil na buhos ng ulan ang naranasan sa Metro Manila.
Ang resulta, binaha ang maraming lugar sa Metro Manila. Inabot ng lagpas tuhod ang baha sa may Araneta Avenue. Hanggang hita naman ang baha sa may Barangay Tatalon sa Quezon City. Binaha rin ang Barangay Talayan. Hindi rin nakaligtas sa baha ang España at ang harap ng Manila City Hall.
Bumigat naman ang daloy ng trapiko sa may P. Burgos St. dahil sa baha habang stranded naman ang maraming pasahero sa may Quiapo area. Binaha rin ang Buendia Avenue, maging ang ibang bahagi ng Valenzuela at Navotas.
Umapaw naman ang San Juan River kaya binaha ang mga komunidad na nasa gilid nito.
Dahil sa malakas na buhos ng ulan at baha, kanselado ang pasok sa lahat ng antas sa Quezon City, Las Piñas, Malabon, Manila, Marikina at Pasay.
Sinuspinde naman ng Senado ang pasok ng kanilang mga empleyado.
Kinansela rin ni acting Chief Justice Antonio Carpio ang trabaho sa Supreme Court simula kaninang tanghali.
Ang Comelec, nagdeklara rin ng work suspension at sinuspinde rin ang voters registration sa Metro Manila, Region 4A, Region 4B, Bataan at Bulacan ay sinuspinde rin dahil sa sama ng panahon.
Ayon naman sa PAGASA, inaasahang magiging maulan sa Metro Manila hanggang sa susunod na linggo kaya pinag-iingat ang mga residente sa mga pagbaha at landslides.
( Victor Cosare / UNTV Correspondent )
Tags: baha, Metro Manila, ulan