Ilang lugar sa Malabon at Valenzuela City, lubog pa rin sa baha

by Radyo La Verdad | July 31, 2017 (Monday) | 7204


Lubog pa rin sa baha ang ilang mga bahay at kalsada sa ilang bahagi ng Malabon at Valenzuela City matapos ang ilang araw na pag-ulan dala ng habagat na pinalakas ng bagyong Gorio. Tulad na lamang sa lugar ng Arkong bato na hanggang tuhod pa rin ang taas ng baha kahapon.

Ayon sa ilang mga residente kadalasang umaabot pa ng ilang linggo o buwan bago tuluyang humupa ang baha sa kanilang lugar. Bagaman sanay na ang mga residente sa ganitong sitwasyon tuwing tagulan, aminado ang mga ito na hirap pa rin sila kapag bumabaha.

Ang mga bisikletang ito na nilagyan na side car ang sinasakyan ng mga residenteng papasok sa eskwela at trabaho, upang hindi na sila lumusong pa sa baha. Bente pesos kada isa ang pasahe.

Kaya naman ang ilan, sinasamantala umano ang ganitong hanap-buhay tuwing panahon ng tag-ulan sa kanilang lugar.

Inaasahan na rin ng mga residente ang susunod pang mga pag-ulan, nag-iimbak na ang mga ito ng dagdag na pagkain, at nag-iipon na rin ng mas maraming inuming tubig.

(Joan Nano / UNTV Correspondent)

Tags: , ,