Ilang local chief executives ng ARMM, pabor sa martial law extension sa Mindanao

by Radyo La Verdad | August 31, 2018 (Friday) | 6493

Hati ang pananaw ng mga pulitiko sa posibilidad ng pagpapalawig sa ipinatutupad na batas militar sa Mindanao.

Pabor ang ilang local chief executives ng ARMM Region na magkaroon muli ng martial law extension.

Ayon sa mga ito, maganda ang epekto ng umiiral na batas militar sa rehiyon pagdating sa peace and order at sa kampanya laban sa iligal na droga. Malaking tulong din anila ito sa transition period ng magiging Bangsamoro Region.

Hiling lamang ng mga lokal na opisyal ng ARMM na huwag haluan ng pulitika ang martial law implementation.

Samantala, hindi naman sang-ayon ang ilang senador at dating opisyal ng gobyerno sa posibilidad na mas pahabain pa ang pagpapatupad ng batas militar sa Mindanao.

Para kay Senator Francis Pangilinan, wala siyang nakikitang dahilan na palawigin pa ito dahil bigo umano ito na pigilan ang pambobomba sa Sultan Kudarat.

Ganito din ang pananaw ni dating Solicitor General Florin Hilbay.

Aniya, walang dahilan upang palawigin pa ang batas militar dahil patuloy pa rin ang karahasan at patayan kahit umiiral ang martial law sa Mindanao. Hindi rin umano ito ang solusyon sa nararanasang problema sa rehiyon.

Kung sakali namang ituloy ng pamahalaan ang planong martial law extension, muling hihilingin ng mga senador ang paliwanag ng Department of National Defense (DND) at security officials.

Ayon kay dating Senate President Aquilino Pimentel III, kailangang mailatag sa kanila ang kasalukuyang sitwasyon sa mindanao sa ilalim ng martial law.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,