Ilang LGUs sa NCR, nagsimula na ring mamahagi ng ayuda

by Erika Endraca | April 8, 2021 (Thursday) | 3336

METRO MANILA – Binibigyan ng 15 araw ang mga lokal na pamahalaan sa NCR Plus na ipamahagi ang ayuda sa kanilang nasasakupan kung ito ay in cash habang 1 buwan naman kung ito ay in kind.

Kahapon (April 7), sinimulan na ang distribusyon ng tulong mula sa national government sa ilang lungsod kabilang na ang Paranaque, Caloocan, Navotas at Quezon City.

Ayon kay DSWD Secretary Rolando Bautista, karamihan sa mga LGU ay cash ang ibinibigay.

“Unang-una mabilis ibigay yung cash amount kaysa pag in kind kasi alam natin mayroong procurement system yan may mga proseso kaya yun siguro ang nad-udyok sa ating mga lgu na mag opt na lang sa pagbibigay in terms of cash.” ani DSWD Sec. Rolando Bautista.

Mabilis ang naging proseso kung ihambing sa nakaraang pamamahagi ng social amelioration noong 1 taon.

Sa Maynila, mahigit 380,000 pamilya ang inaasahang mabibigyan ng P1.5-B na pondo nakalaan sa kanila.

Nagpasya rin ang lokal na pamahalaan na bawat pamilya ang batayan ng pamamahagi ng P4,000 ayuda.

“Ang ginawa po natin per family dahil mahirap pong hanapin yung one million five hundred thousand na populasyon at walang data ang national government nun” ani Manila City Mayor Isko Moreno Domagoso.

Pinapayuhan ang ating mga kababayan na palaging i-check ang mga social media acount ng kanilang LGU, mga lokal na opisyal at maging sa mga barangay hall.

Dahil dito nakapaskil ang mga pangalan ng lahat ng makatatanggap ng ayuda.

Samantala, nagbabala naman ang dilg sa mga lokal na opisyal na huwag gamitin ang pera ng pamahalaan sa pamumulitika o maagang pangangampanya.

Sasampahan ang sinomang lalabag sa kautusang ito ng kasong kriminal at administratibo.

“Kung maalala po ng ating mga kababayan last year sa social amelioration program mga dalawang daan po yan ang ating finilan ng kasong kriminal sa buong bansa so uulit lang po natin ang ating ginawa last year at babantayan lang po natin ang pera ng bayan.” ani DILG Usec. Jonathan Malaya.

Kabilang sa mahigpit na ipinagbabawal ang paglalagay ng pangalan at mukha sa mga sobre.

Poster sa venue ng kung saan ipamamahagi ang ayuda at paglalagay ng ghost beneficiaries.

(Dante Amento | UNTV News)

Tags: ,