Ilang LGU sa Metro Manila, pinaiigting pa ang booster dose vaccination kontra Covid-19

by Radyo La Verdad | January 18, 2022 (Tuesday) | 1541

Mahigit sa limamput limang milyong Pilipino na ang fully vaccinated na laban sa Covid-19 batay sa datos ng National Vaccine Operations Center. Gayunman nasa halos limang milyon pa lang sa mga ito ang nakapagpabakuna ng booster dose. Mahigit 1.6 million dito ay mula sa Metro Manila na lubhang malayo ang agwat mula sa mahigit 9.5 million na fully vaccinated sa rehiyon.

At para mas mahikayat pa ang mga kababayan natin na magpabakuna na rin  booster dose lalo pa ngayon na  mabilis ang hawaan ng Covid-19, naglunsad ng panibagong drive-thru booster dose vaccination  ang lungsod ng Maynila para sa mga public utility vehicle drivers na nakapwesto sa bagong ospital ng Maynila. Bukod pa ito sa naunang 24 by 7 na booster dose vaccination na binuksan din ng lungsod noong nakaraang linggo.

“ We just launched ‘yung ating vaccination drive para naman sa public transport. Ito yung para sa mga jeepney driver, pedicab driver, sidecar boys at tricycle, kuliglig, taxi driver, delivery van, mayroong space para sa kanila. Ang gusto natin talaga is ma-reach as many as posible so nag-iisip tayo ng mga ways na pwede pang maabot ang ating mga kababayan at huwag na silang magsama-sama sa isang lugar”, pahayag ni Mayor Isko Moreno, Manila City.

Bukas ang drive-thru booster dose vaccination kahit pa sa mga driver na hindi residente ng Maynila at tumatanggap din ng walk-in.

Kinakailangan lamang na ipakita ang kanilang pimary vaccination card, valid ID at QR code para sa verification na maaring makuha sa  Manila City vaccination portal.

Isanglibong slots ang ilalaan dito kada-araw ng Manila LGU na mag-uumpisa ng alas-otso ng umaga hanggang alas-singko ng hapon.

Samantala, sa Pateros naman, naglagay na ng vaccination hotline ang munisipyo para sa mga residenteng nagkakaproblema sa vaccination schedule.

Paliwanag ni Pateros Mayor Miguel “Ayk” Ponce, may ilan na nabigyan na ng schedule ng vaccination pero hindi naman nakatatanggap ng confirmation.

“Ako po ay humihingin ng paumanhin dahil talagang nagkakaroon po ng technical glitch or mga problemang technicals sa mga pagti-text po natin dahil talagang nakikita ko naman po na may mga insidenteng itinitext yung tao subalit hindi natanggap ng sistema o kaya po ay maaring nagbago ng number ‘yung mga tao kaya hindi nakakatanggap ng schedule para sa booster”, ani Mayor Miguel Ponce, Pateros Municipality.

Sa mga wala pang natatanggap na booster vaccination schedule na nakapagpa-second dose na ng Covid-19 vaccine noong buwan ng Hulyo at Agosto, makipag-ugnayan lamang sa numerong 0922-854-9974 para sa inyong vaccination schedule. I-text ang inyong full name, cellphone number, birth day at petsa kung kailan nakatanggap ng second dose.

Janice Ingente | UNTV News

Tags: