Ilang kustomer ng Maynilad, inirereklamo ang biglang pagtaas ng singil sa tubig

by Radyo La Verdad | November 16, 2018 (Friday) | 4655

Nabigla ang mag-asawang Arellano nang biglang tumaas ang kanilang bill sa tubig. Mula sa kanilang singil ng Maynilad noong Setyembre at Oktubre na mahigit 1,500 piso ay bigla itong lumobo sa mahigit 2,200 piso.

Kahit hindi nauunawaan ng mag-asawa ang dahilan ng pagtaaas sa singil sa tubig, wala silang nagawa kundi bayaran ang kanilang bill.

Paliwanag ng Metropolitan Waterworks Sewerage System Regulator Office (MWSS-RO), epekto ito ng inaprubahan nilang dagdag-singil ng mga water concessionaire. Nasa 5.73 kada cubic meter ang inaprubahan ng MWSS na uutay-utayin sa loob ng limang taon.

Kung sa isang residential area na gumagamit ng 20 cubic meter sa Manila Water na kung dati ay nagbabayad ng 316.85 piso, ngayon ay 317.11 piso na.

Samantalang sa Maynilad ay tumaas ng mahigit piso.

Ayon sa chief regulator ng MWSS na si Patrick Lester Ty, dumaan ito sa masusing public consultation at naikonsidera nila ang mga proyekto ng Maynilad at Manila Water.

Paliwanag ng MWSS, maliit pa nga kung pag-aaralan ang 20% environmental charges na nakalagay sa bill na binabayaran ng urban poor na napupunta aniya para sa sewerage at watershed management, bagay na kinontra ng consumer group na United Filipino Consumers and Commuters (UFCC).

Ayon kay Rodolfo Javellana, kwestiyonable ang ginawang public consultation ng MWSS sa para sa pagtataas sa singil ng tubig. Maging ang ipinapataw na nakalagay sa water bills ay hindi rin makatuwiran.

Patuloy aniyang ang gagawing pagbabantay ng consumer group sa ginagawang negosasyon ng MWSS sa mga water concessionaires kaugnay ng pataw na taas-singil sa tubig.

 

( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )

Tags: , ,