METRO MANILA – Ilang kumpanya na ang nag-anunsyo ng extension ng deadline of payments para sa kanilang mga customer sa gitna ng umiiral na community quarantine sa Metro Manila dahil sa patuloy na banta ng COVID-19.
Kabilang na rito ang ilang telecommunication company sa bansa gaya ng PLDT at mobile subsidiary nito na Smart Communications, kung saan magpapatupad ng 30-day payment extension period para sa mga postpaid customer nito. Ganoon din ang Globe Telecom, Skycable at Cignal.
Magpapatupad din ng 30-day payment extension ang Meralco para sa mga bill na may due date mula March 1 hanggang April 14, 2020.
Ang Eastwest Bank palalawigin din ng 30 araw ang payment due date ng mga eligible customer nito sa mga auto, personal, mortgage, emerging enterprise lending loans at maging credit cards.
Hinihakayat din ng mga kumpanya na gamitin ang kanilang online applications para sa mga katanungan ng kanilang mga customer at magbayad via e-wallet o iba pang payment channels.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, dapat magkusa na ang mga kumpanya sa pag-extend ng mga payment deadlines partikular na ang mga bangko.
“Itong mga creditors, dapat tingnan nila ang sitwasyon ng bansa ngayon. On their own, they should do that. The government can impose that, pero ‘wag na silang mag-antay dun. Kumbaga bayanihan tayo lahat ngayon.” ani Presidential Spokesperson And Chief Legal Counsel Sec. Salvador Panelo.
Ang Government Service Insurance System (GSIS), plano nang ring palawigin ang financial assistance loan program nito hanggang katapusan ng Setyembre ngayong taon para sa mga miyembro na may existing loans sa mga lending institution.
Maging ang annual pensioners’ information revalidation ng ahensya para sa mga survivorship pensioners na ipinanganak sa buwan ng Marso, extended na rin hanggang May 15.
Samantala, nauna nang sinabi ng Department Of Finance (DOF) at Bureau of Internal Revenue (BIR) na hindi na nito palalawigin ang deadline ng filing ng income tax return sa April 15.
Hinihikayat din ng BIR na magbayad ng buwis online sa pamamagitan ng E-BIRForms sa kanilang website at sa pamamagitan ng iba’t ibang payment channels.
(Harlene Delgado | UNTV News)