Ilang kongresista, mayor at uniformed personnel, kasama sa bagong narco list ng PDEA

by Radyo La Verdad | June 6, 2018 (Wednesday) | 5289

Kasalukuyan ng isinasailalm sa re-validation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang pinakabagong listahan ng mga opisyal na sangkot umano sa kalakalan ng iligal na droga sa bansa.

Ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino, kabilang sa bago nilang narco list ang 6 o 7 congressman, 60 mayor, ilang vice mayor, mga sundalo, pulis at ilang kawani ng pamahalaan.

Aniya, karamahin sa mga ito ay mula sa Calabarzon, ARMM at Northern Mindanao.

Sa oras na matapos ang validation, sisimulan na ng PDEA ang pagsasampa ng kaso laban sa mga nasabing opisyal. Bukod dito, ilang opisyal din ng PDEA ang kasama sa listahan.

Samantala, aabot naman sa mahigit 70 milyong piso na halaga ng shabu ang nasabat ng pdea sa dalawang magkahiwalay na operasyon sa Cavite at Paranaque City.

Apat na suspek ang naaresto na kinilalang sina Dolores Dela Cruz, Melchor Robelles, Daniel Hernandez at William Banez na itinuturong tulak umano ng iligal na droga.

Ayon sa PDEA, pinadadaan umano ng mga suspek sa mga freight forwarding services ang mga kontrabando. Kapag naideliver na ang shabu sa mga mall naman nangyayari ang bayaran.

Sasampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga nahuling suspek.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,