Ilang kilalang personalidad, maagang bumoto

by Radyo La Verdad | May 15, 2018 (Tuesday) | 4322

Eksaktong alas dyes ng umaga kahapon nang bomoto si presidential daughter at Davao City Mayor Sara Duterte Carpio sa Daniel R. Aguinaldo National High School. Halos limang minuto lang ang itinagal ng pagboto ng alkalde sa Cluster Precinct 889.

Aniya, maayos at matiwasay naman ang eleksyon sa Davao City.

Samantala, bandang alas dose ng tanghali nang dumating naman sa Buhangin Central Elementary School si Special Assistant to the President Christopher Bong Go. Medyo natagalan itong makapasok sa kaniyang presinto dahil sinalubong ito ng mga supporters.

Bigo naman ang mga supporter ni Pangulong Rodrigo Duterte na naghintay sa kaniya dahil hindi ito dumating upang bumoto. Inabot na ng pagpapatunog ng bell o hudyat na sarado na ang botohan ngunit hindi nasilayan ng mga ito ang pangulo.

Nang tanungin naman si Sec. Bong Go kung bakit hindi bumoto ang pangulo ay “no reason” lang ang isinagot nito. Bunsod nito ay agad namang inalis ang upuan na sanay gagamitin ng pangulo sa pagboto.

Maaga namang bumoto si Vice President Leni Robredo sa Tabuco Elementary School sa Naga. Alas 10 ng umaga kahapon nang dumating ito kasama ang anak na si Tricia.

Sa eskuwelahang ito regular na bumoboto ang pangalawang pangulo at ang kaniyang mga anak.

Pasado alas onse ng umaga naman nang dumating sa Central Azucarera de Tarlac Elementary School si dating Pangulong Benigno Noynoy Aquino III upang bumoto.

Kasama niya ang mga kapatid na sina Balsy at Pinky at pamilya nito. Tulad ng mga ordinaryong mamamayan, pumila din ang dating pangulo.

Sa Bulacan, pasado alas syete ng umaga nang bumoto si Senator Joel Villanueva sa Barangay Bunlo Elementary School sa Bocaue, Bulacan. Agad itong nagtungo sa precint number 85.

Pasado alas dose naman ng tanghali nang magtungo sa Calumpang Elementary School  sa Calumpit, Bulacan si Mr. Public Service Kuya Daniel Razon upang bumoto.

Naging mainit ang pagtangap ng mga kabarangay ni kay Kuya Daniel dahil kilala si Kuya Daniel sa lugar pagdating sa pagtulong sa kapuwa.

Ayon kay Kuya Daniel, isa sa mahalagang dapat na katangian nang isang barangay officials ay may takot sa Dios.

Dagdag pa ni Kuya Daniel, kailangan din na may puso at may malasakit ang isang mabuting nanunungkulan.

Nakahanda rin naman si Kuya Daniel na mag-abot nang kaniyang magagawa para sa kapakanan nang kanyang kabarangay.

 

( Janice Ingente / UNTV Correspondent )

 

 

 

 

Tags: , ,