Ilang kalsada sa Metro Manila, muling nalubog sa baha dahil sa malakas na ulan

by Radyo La Verdad | September 3, 2018 (Monday) | 5094

Mula pa sa panaka-nakang pag-ulan kagabi ay tumindi ang buhos ng ulan kaninang madaling araw kaya naman muling nalubog sa baha ang ilang kalsada sa Metro Manila.

Kabilang dito ang ilang bahagi ng Quezon City tulad ng G. Araneta Avenue na umabot ng hanggang tuhod ang baha at hindi maaaring madaanan ng mga light vehicle. May ibang sasakyang umaatras na dahil tumitirik ang kanilang sasakyan paglumulusong sa baha.

Sa kalye ng Kampupot, Brgy. Roxas, Kaliraya Bridge ay umabot ng hanggang baywang ang taas ng baha. Sa Timog Avenue Corner Scout Tobias, hanggang hirap dumaan ang mga nakamotorsiklo dahil sa hanggang tuhod na baha.

Sa R. Papa Street, boundary ng Manila at Caloocan gutter deep  baha at malapit na ring umapaw ang tubig sa creek sa lugar. Sa Valenzuela City, nagmistulang ilog ang Barangay Dalandana dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan.

Pinalala din ito ng hightide kayat imbis na humupa agad ang baha ay lalo pang tumaas ang tubig na abot tuhod ang baha.

Pinapayuhan naman ng lokal na pamahaalan ng lungsod sa mga residente na maging handa at makipagtulungan sa rescue teams upang makaiwas sa panganib na dala ng ulan at baha.

Gayon din sa mga residenteng malapit sa Tullahan River na lumikas at pumunta sa malapit na evacuation center sa kanilang lugar.

 

( Reynante Ponte / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,