Ilang kaanak ng kidnap victims, nakikipag-ugnayan sa ASG sa kabila ng “No Ransom Policy” ng pamahalaan- DND

by Radyo La Verdad | March 2, 2017 (Thursday) | 3237


Tatlumpu’t isang bihag pa ang hawak sa ngayon ng teroristang Abu Sayyaf Group ayon sa Department of National Defense.

Kabilang dito ang labing dalawang Vietnamese, anim na Pilipino, isang Dutch, pitong Indonesians at limang Malaysians.

Sa ngayon patuloy ang mahigpit na pagtugis ng pwersa ng militar sa mga bandidong grupo.

Kahapon ng hapon limang miyembro ng Abu Sayyaf ang kumpirmadong patay habang sugatan ang iba pa sa isinasagawang focused military operations ng militar sa Indanan, Sulu.

Ayon sa AFP malaking tulong ang impormasyon mula sa MNLF, MILF at iba pang lider ng komunidad.

Gayunpaman problema ng AFP ang ilang nakikisimpatya sa bandidong grupo.

Dagdag pa rito ang pakikipag uganyan ng ilang third party o kamag-anak ng ilang bihag sa Abu Sayyaf sa kabila ng paninindigan ng Philippine government sa “No Ransom Policy”.

Samantala hanggang sa ngayon wala pa ring impormasyon ang pamahalaan sa katawan ng bihag na German national na si Jurgen Kantner na pinugutan ng ulo ng Abu Sayyaf kamakailan.

(Bryan De Paz / UNTV Correspondent)

Tags: , , , ,