Ilang iregularidad sa implementasyon ng Pantawid Pamilya Pilipino Program ng pamahalaan, idinepensa ng DSWD sa mga mambabatas

by Radyo La Verdad | September 1, 2016 (Thursday) | 1340

NEL_4Ps
Aabot sa 129 billion pesos ang panukalang budget ng Department of Social Welfare and Development para sa taong 2017.

Mas mataas ito ng 18 billion pesos kumpara ngayong taon.

Ang paglaki ng budget ay dahil na rin planong rice subsidy ng pamahalaan gayundin ang bagong target ng Administrasyong Duterte sa pagpapatupad ng Pantawid Pamilya Pilipino Program o 4Ps.

Binatikos naman sa budget ng hearing ng kamara ang naging performance sa pagpapatupad ng 4Ps ng pamahalaan sa mga nakaraang taon.

Batay sa datos ng DSWD, noong taong 2015, umabot lamang sa 88 percent ang nagastos mula sa nakalaang pondo sa 4ps samantalang nasa 34 percent pa lamang sa kalagitnaan ng 2016.

Ayon naman kay DSWD Secretary Judy Taguiwalo, iniimbestigahan na rin nila ngayon ang dahilan kung bakit hindi na-liquidate ng Landbank ang mahigit 6 billion pesos na nakalaan sa Conditional Cash Transfer program noong 2015.

Binusisi rin sa deliberasyon ng kamara ang sistema ng ahensya kung papaano tinutukoy ng dswd ang mga mahihirap na pamilya na magiging benepisyaryo ng CCT.

Handa naman ang DSWD na makipagtulungan sa mga mambabatas upang maging epektibo ang pagpapatupad ng CCT program.

Aabot sa mahigit 78 billion pesos ang hinihinging budget ng DSWD sa taong 2017 para sa pagpapatuloy ng implementasyon ng 4Ps.

Dahil sa maraming katanungan ng mga kongresista, ipagpapatuloy ang budget hearing para sa DSWD sa September 13.

(Nel Maribojoc / UNTV Correspondent)

Tags: ,