Ilang informant, droga umano ang hinihinging kapalit ng imporasyon – PDEA Chief                                                         

by Radyo La Verdad | February 22, 2023 (Wednesday) | 19001

Tinalakay ng House Committee on Dangerous Drugs ang isang panukalang batas para sa agarang pagsira ng mga nakumpiskang iligal na droga.

Layon ng house bill number 7094 masolusyunan ang umanoy recycling o pagbebenta ulit ng mga nakumpiskang iligal na droga.

Sa ilalim ng panukalang batas, ang mga nakumpiska, isinuko, plant sources, at mga kemikal na ginagamit sa paggawa ng iligal na droga ay agad na sisisrain sa loob ng bente kwatro oras matapos mailabas ang certification ng forensic laboratory examination results.

Ngunit, sa gitna ng talakayan ng mga mambabatas at mga ahensya ng gobyerno naungkat ang isang reward scheme sa Philippine Drug Enforcement Agency.

Ayon kay PDEA Dir. Gen. Moro Virgilio Lazo, may mga informant umano na nagaalok ng tulong kapalit ng ilang porsyento ng makukumpiskang droga.

“Ang sistema Sir, I do not have to spend anything. They will do all the work but they asking 30 percent of the actual seizures as their payment. I outrightly told them, that as far as my administration is concerned we are only to give them the monetary value through our rewards system,” ayon kay Moro Virgilio Lazo, Director General, PDEA.

Sa ilalim ng rewards system ng PDEA, maaaring makakuha ang isang informant ng 2 milyong piso kapalit ng pagtulong nila sa anumang drug  operation.

Iginiit din ni Director General Lazo na hindi sila sumasangayon sa sistemang droga ang ipinambabayad sa mga informant. Iniulat din ng opisyal na wala pang parusa na ibinibigay sa nag-alok na informant.

Ikinabahala naman ng mga mambabatas ang naging pahayag ng PDEA Chief.

Magsasagawa ng imbestigasyon ang komite upang kumpirmahin ang impormasyong inilahad ng pdea tungkol sa droga ang pabuya scheme.

Aileen Cerrudo | UNTV News           

Tags: ,