Human rights groups, tutol kay CGMA bilang House Speaker

by Radyo La Verdad | July 25, 2018 (Wednesday) | 6466

 

Mariing tinututulan ng ilang human rights groups sa bansa ang pag-upo ni dating Pangulong Gloria Arroyo bilang House Speaker.

Ayon kay Roneo Clamor, ang deputy secretary general ng grupong karapatan, mayroong 1,206 extrajudicial killings na naitala sa siyam na taong pamamahala ni GMA, 206 biktima ng enforced disappearance at libo-libong iligal na pag-aresto.

Sa pagkaluklok nito bilang Speaker of the House, lalo umanong lalala ang impunity sa bansa.

Ayon sa grupo, bubuhayin nila ang mga kaso laban sa dating Pangulo para ito ay mapanagot.

Ilan sa mga biktima umano ng administrasyong Arroyo ang kapatid ni JL Burgos na dinukot dahil sa pag-oorganisa at pakikipaglaban sa karapatan ng mga magsasaka at ang nawawalang UP student na si Sherlyn Cadapan.

Nakakabahala ngunit hindi na rin anila kataka-taka kung sakaling mapalaya si General Palparan dahil hindi umano lingid sa kaalaman ng publiko na paborito ng dating pangulo ang heneral.

Ayon naman sa National Union of Journalists of the Philippines, dapat managot si Arroyo sa Maguindanao massacre na kumitil sa buhay ng 34 mamamahayag at iba pang biktima.

Paniwala ng human rights groups, sa pagkatalaga ni Arroyo bilang speaker ay banta umano sa muli nitong paghahari sa bansa.

 

( Reynante Ponte / UNTV Correspondent )

Tags: , ,