Sa kabila ng panawagang tigil-operasyon ng mga truckers sa susunod na linggo, may ilang mga grupo pa rin ang nagdesisyon na ituloy ang pagdedeliver ng mga kargamento.
Ayon sa Alliance of Concerned Truck Owners and Organizations (ACTOO), itutuloy pa rin nila ang delivery sa kabila ng panawagan na tigil-operasyon.
Ayon naman sa Chamber of Custom Brokers, hindi rin sila makikiisa sa truckers holiday dahil labag ito sa kanilang mga panuntunan.
Naniniwala naman ang Confederation of Truckers Association of the Philippines (CTAP) na hindi ang pagsasagawa ng truckers holiday ang solusyon sa problema sa mga pantalan.
Una nang sinabi ng Inland Haulers and Truckers Association (INHTA) na magsasagawa sila ng truckers holiday dahil sa lumalalang empty container congestion sa mga pantalan.
Hindi daw iniuuwi ng mga shipping lines ang mga empty container kung kayat natatambak ang mga ito sa mga court yard.
Ayon sa mga truckers, apektado ang kanilang negosyo dahil sa halip na makapag-deliver sila ay wala silang mapaglagyan ng mga empty container.
Kung hindi maaksyunan, siguradong maaapektuhan daw hindi lang ang presyo ng mga bilihin kundi ng ekonomiya ng bansa. Isa pa sa inirereklamo ng mga trucker ay ang pag-phase out sa mga trucks.
Ayon sa kanila, hindi kailangan ng phase out kundi pagpapanatiling nasa kondisyon ang kanilang mga sasakyan.
Naniniwala naman ang mga supermarket owners na posibleng makaapekto ang truckers holiday sa presyo ng mga produkto lalo na kung maapektuhan ang supply ng mga ito.
Ayon naman sa mga trucker na magsasagawa ng holiday, maaaring ma-extend pa sa mas mahabang panahon ang kanilang protesta kung hindi sosolusyunan ng pamahalaan ang kanilang mga hinaing.
( Mon Jocson / UNTV Correspondent )
Tags: ACTOO, tigil-operasyon, truckers