Nagtipon ang iba’t ibang grupo ng mga magsasaka, mangingisda at ilan pang grupo mula sa Eastern Visayas, Panay at Guimaras para sa isang rally sa harap ng House of Representatives.
Nananawagan ang mga ito na imbestigahan ng mga namumuno sa Kamara ang rehabilitation projects ng gobyerno sa mga lugar na sinalanta ng bagyo.
Partikular na ang P18 billion na Emergency Shelter Assistance o ESA fund sa pamamahala ng Department of Social Welfare and Development maging ang P73.3 billion Yolanda foreign aid para sa mga biktma ng naturang bagyo.
Kahapon, pumunta rin ang mga grupong ito sa tanggapan ng DSWD upang kausapin ang ilang opisyal ng kagawaran.
Iprinisinta nila ang petisyon na naglalaman ng 22,000 lagda upang ipabasura ang DSWD Memorandum Circular No. 24.
Laman ng memorandum circular ang ilang kondisyon kung saan ilan sa mga ito ang pagdiskwalipika na makatanggap ng pondo mula sa ESA ang mga pamilyang nakatira sa tabing dagat, bukirin at maging sa tabi ng mga burol.
Ayon sa kanila, ito ay nangangahulugan ng pagkakait sa mga mahihirap na sektor ng tulong mula sa gobyerno, lalo na ang mga pamilya na ang hanapbuhay ay nakaasa sa pagsasaka at pangingisda.
Ayon Kay Anakpawis Representative Fernando Hicap, marapat lamang malaman ng ating mga mahihirap na kababayan na biktma ng mga nagdaang bagyo kung saan napunta ang ipinaabot ng bilyong-bilyong pisong tulong para sa kanila. (Aiko Miguel/UNTV Radio)