Ilang grupo at mambabatas, hindi kuntento sa paliwanag ng security officials sa pagpapalawig ng martial law sa Mindanao

by Radyo La Verdad | December 13, 2018 (Thursday) | 27049

Protesta mula sa ilang grupo ang sumalubong kahapon sa joint session ng Kongreso sa pagtalakay sa hiling ni Pangulong Rodrigo Duterte na palawigin pa ng isang taon ang batas militar sa Mindanao.

Sa kabila ng mga protesta, nanaig pa rin ang mayorya sa mga mambabatas na pumabor sa hiling na martial law extension.

Para kay Commission on Human on Rights (CHR) Chairperson Jose Luis Gascon, magmula pa noong una ay tutol na sila sa pagpapatupad ng martial law.

“Sa aming pananaw, sa aming nakikita ay walang batayan sa usapin ng invasion o rebellion, pero ang aming tukoy bilang institution syempre ay yung human rights issues”. – pahayag ni CHR Chairperson Jose Luis Gascon

Pangunahin pa ring tumutol sa panukala ay ang mga miyembro ng Makabayan bloc sa Kamara si Albay Representative Edcel Lagman at ang mga miyembro ng minorya sa Senado.

Ayon sa mga ito, walang naipakitang matibay na basehan para palawigin ang martial law at mas maganda anilang tutukan ay ang pagpapaunlad sa rehiyon.

Sa kabila ng kanilang pagtutol, wala namang plano si Senate Minority Leader Senator Franklin Drilon na iakyat pa ang usapin sa Korte Suprema.

Kumbinsido naman si Senator Panfilo Lacson sa paliwanag ng security officials sa pangangailangan na i-extend ng isang taon ang martial law sa Mindanao.

 

( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,