Maliban sa mga mamimili, umaalma na rin ang ilang mga fish vendors sa Legazpi city sa Albay dahil sa matumal na suplay ng isda sa merkado.
Martes pa lamang ng gabi naging matumal na ang suplay ng isda mula sa commercial fishing vessel na umaangkat sa fishing port sa Legazpi city, ito ay kaugnay sa fish holiday.
Ang fish holiday ay idineklara ng ilang fish port sa ilang bayan at lungsod sa Pilipinas bilang suporta sa batas hinggil sa panukalang pagbabago (proposed amendments) sa fishiries codes 10654 o ang amended fishiries code.
Kabilang sa mga nagdeklara ng fish holiday ay ang Iloilo city, ilang bayan at lungsod sa Metro Manila at Western Visayas.
Sa Albay ngayong araw magsisimula ang fish holiday kung kaya’t ang ilang fish vendors nagiisip na ng ibang pamamaraan upang kumita kung sakaling wala silang makukuhang suplay ng isda mula sa fish port.
Pero anila hindi nila tiyak kung tuluyan silang mawawalan ng suplay ng paninda sa merkado.
Magkagayun pa man wala ding anunsyo ang fish vendors association sa Legazpi city public market ng pagtaas ng presyo ng isda kung sakaling may magtitinda pa rin ng isda sa loob ng dalawang araw.
Kahapon wala nang opisina ang fish port sa Legazpi city at tanging mga bantay na lamang ang matatagpuan sa kanilang opisina.(Allan Manansala/UNTV Correspondent)
Tags: Albay, fish holiday, Legazpi city