Ilang environmental groups, binatikos ang kakulangan sa kahandaan ng pamahalaan sa climate change at baha

by Radyo La Verdad | August 22, 2018 (Wednesday) | 16389

Panahon na upang seryosohin ng pamahalaan ang epekto ng climate change, ito ang binigyang-diin ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) sa pagsisimula ng tatlong araw na National Congress ng iba’t-ibang environmental groups sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman.

Ayon kay Ian Rivera, ang national coordinator ng PMCJ, hindi na bago ang isyu ng climate change at paulit-ulit lamang ang problema sa loob ng tatlong dekada.

Sa kabila aniya ng mga babala ay hindi naghanda ang pamahalaan para dito at hindi rin sineryoso ng publiko ang mga epekto ng pabago-bagong klima.

Ipinaliwanag nito na taon-taon ay inaasahan na tatamaan ng bagyo ang bansa na magdadala ng matingding mga pag-ulan. Isa din sa mga kailangang paghandaan ng pamahalaan ay ang tagtuyot.

Hinimok din nito ang gobyerno na maglaan ng malaking pondo para sa isang pangmatagalang solusyon sa naturang mga problema.

Binatikos din nito ang proyekto ng pamahalaan na para lamang umano sa negosyo o commercial interest ng bansa.

Ayon kay Rivera, dapat pamarisan ng Pilipinas ang ibang mga bansa tulad ng Malaysia, Thailand at Japan sa paghahanda sa kalamidad dahil ang mga bansang ito ay may flood mitigation plan na mapakikinabangan sa loob ng isandaang taon.

 

( Cathy Maglalang / UNTV Correspondent )

Tags: , ,