Ilang empleyado ng DFA, iniimbestigahan ng PNP dahil sa pakikipagsabwatan umano sa mga passport fixer

by Radyo La Verdad | March 5, 2018 (Monday) | 7603

Hindi natatapos sa panghuhuli ang operasyon ng Philippine National Police laban sa mga fixer ng passport sa Department of Foreign Affairs.

Ilan sa mga empleyado ngayon ng DFA ang iniimbestigahan ng PNP dahil sa pagiging kasabwat umano ng mga ito sa mga naarestong fixer noong nakaraang linggo.

Dalawampu’t tatlong umano’y passport fixer ang nahuli ng PNP sa isang entrapment operation sa Aseana Consular Office ng DFA sa Paranaque City noong nakaraang Miyerkules.

Nakakulong ngayon sa Southern Police District sa Taguig ang mga ito at nahaharap sa kasong estafa at paglabag sa Republic Act 9485 o ang Anti-Red Tape Act.

Ayon sa PNP, sinamantala ng mga fixer ang panahon kung saan pahirapan ang pagkuha ng passport. Bahagi ng panloloko ng mga fixer ay ang pagpapabayad sa aplikante kapalit ang isang appointment slot sa DFA.

Mayroon namang magpapabayad ng tatlong libong piso at pangangakuan na mabilis na mapoproseso ang kanilang passport at ang pagbebenta ng mga pekeng endorsement letter.

Ilan naman sa mga kababayan natin ang mas pipiliin namang dumaan sa proseso kaysa mga fixer.

Naniniwala rin ang PNP na bukod sa iniimbestigahan nilang empleyado ng DFA, may kinabibilangan ring isang grupo ang naturang mga fixer na nambibiktima sa mga nag a-apply ng pasaporte.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,