Ilang customers ng Maynilad sa Las Piñas, Muntinlupa, Parañaque at Cavite mawawalan ng suplay ng tubig hanggang June 9

by Erika Endraca | June 5, 2019 (Wednesday) | 29260

MANILA, Philippines – Magpapatupad ng water service interruption ang Maynilad sa ilang lugar sa Las Piñas, Muntinlupa, Parañaque, at Cavite hanggang sa Linggo.

Batay sa abiso ng maynilad tinatayang mahigit 170,000 water connection sa kanilang mga customer ang maapektuhan ng ipatutupad na rotational water service interruption.

Mawawalan ng suplay ng tubig ang ilang lugar sa Las Piñas mula alas-6 ng umaga hanggang alas-4 ng madaling araw.

Habang sa Muntinlupa naman magsisimula ang water supply interruption ng alas-5 ng hapon hanggang alas-4 ng madaling araw.

Pagpatak naman ng alas-2 ng hapon mawawalan na rin ng tulo sa mga gripo ang ilang barangay sa Parañaque city na tatagal hanggang ala-1 ng madaling araw.

Habang magkakaibang oras naman ang schedule na mawawalan ng tubig sa ilang bayan sa Cavite.

Ayon kay Jennifer Rufo ang tagapagsalita ng maynilad, muli na namang dumadami ang algae o lumot sa Laguna lake na siyang pinagkukunan nila ng suplay ng tubig.

At upang mapigilan ang paghalo ng lumot sa tubig napilitan silang limitahan ang suplay sa kanilang mga customer.

“So dahil dumami muli ang algae concentration nagkaroon ng panibagong pagbabara sa filter namin sa treatment plants, so this has forced us to reduce production dahil kailangan nga natin ng mas frequent na cleaning ng filters and at the same time intensified chemical dosages para ma-address ang pagdami ng algae sa laguna lake” ani Maynilad Spokesperson Jeniifer Rufo.

Tatagal ang rotational water service intteruption hanggang sa June 9. Sisikapin umano ng maynilad na hindi na ito mapalawig, bagaman hindi nila iniaalis ang posibilidad na hindi ganap na maibalik ang suplay ng tubig sa nasabing petsa.

“Meron kasi tayong external factors na tinitignan rin kapag sabay sabay na magbukas ng gripo anv ating mga customer upon supply resumption kahit papaano may impact yan duon sa areas na malalayo or yung matataas ang elevation kaya naapektuhan yung accuracy ng ating resumption schedule” ani Maynilad Spokesperson Jeniifer Rufo.

Samantala, para sa kumpletong listahan ng mga lugar na mawawalan ng suplay ng tubig,maaring bisitahin ang social media accounts ng maynilad o tumawag sa kanilang hotline na 1626 para sa mga taga Metro Manila.

Maari namang kumontak ang mga taga Cavite sa numerong 1800-1900-92837.

(Joan Nano | Untv News)

Tags: , , , ,