Isa si Analyn sa mga nakipagsiksikan kahapon sa Comelec office sa Aroceros, Maynila upang magparehistro. Kwento ni Analyn, isang linggo na siyang pabalik-balik sa Comelec.
Hindi siya nakaboto sa nakaraang barangay elections dahil nawala ang kaniyang pangalan sa listahan ng mga botante kaya sinisikap niyang magparehistro upang muling makaboto sa darating na halalan.
Suhestyon ng ibang botante sa Comelec, maglagay ng registration centers sa mga mall gaya ng ginagawa ng ibang mga ahensiya ng gobyerno.
Ayon naman sa Comelec, hindi na bago ang mga ganitong pangyayari taon-taon sa tuwing malapit ng magsara ang voters registration.
Ayon sa Comelec, noong ika-2 ng Hulyo pa muling binuksan ang voter registration at magtatagal ito hanggang bukas, ika-29 ng Setyembre.
Pagkatapos nito, maghahanda naman ang Comelec para sa filing ng certificate of candidacy (COC) sa ika-11 hanggang ika-17 ng Oktubre.
Paliwanag ng opisyal, maaaring magrehistro ang mga boboto sa lahat ng opisina ng Comelec at satellite registration sites sa pinakamalapit na lugar.
Pinapayuhan ng Comelec ang lahat ng magpaparehistro, magpapalipat ng presinto o kaya’y magpapa-reactivate na magdala ng original at photocopy ng alinman sa mga valid IDs.
Paalala ng Comelec, hindi kasama sa valid ID ang cedula, barangay clearance, police clearance, at homeowners association ID.
( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )