Ilang coastal water sa lungsod ng Lapu-Lapu, Cebu, positibo sa fecal bacteria-DENR

by Radyo La Verdad | March 11, 2016 (Friday) | 2527

GLADYS_KARAGATAN
Panahon na naman ng tag-init kaya tiyak marami ang pupunta sa mga beach resort upang mag-tampisaw sa dagat.

Sa Lapu-Lapu City, Cebu, kalimitang dinarayo ng mga turista ang iba’t ibang resort ngunit babala ng Department of Environment and Natural Resources na mag-ingat lalo’t nag-positibo sa fecal coliform bacteria ang tubig sa ilang public beach resorts.

Sa pag-aaral ng DENR-Environmental Management Bureau, umabot na sa 13,000 most probable number per 100 milliliters ang antas ng fecal coliform bacteria na mas mataas sa safe level for swimming na 1,000 mpn per 100 ml.

Maaari itong magdulot ng panganib sa kalusugan ng mga maliligo rito at maka-apekto sa kalidad ng mga mahuhuling isda at iba pang pagkaing-dagat.

Isa sa mga nakikitang dahilan ng pagdumi ng karagatan ay ang kakulangan sa wastong waste management.

Nabahala naman ang maraming resort owners sa ulat ng DENR na maaaring maka-apekto sa sektor ng turismo.

Ipinag-utos rin ng alkalde ang pag-kolekta ng water samples sa ilang resort upang ipasuri sa laboratoryo na accredited ng Department of Health.

Maliban sa Lapu-Lapu City ay binabantayan rin ang coastlines ng Liloan, Mandaue, Consolacion sa Cebu at Panglao sa Bohol.

(Gladys Toabi / UNTV Correspondent)

Tags: , , , ,