Ilang bus operators, naghain ng fare hike petition sa LTFRB

by Radyo La Verdad | February 14, 2018 (Wednesday) | 4611

Nais ng Southern Luzon Bus Operators Association, Nagkakaisang Samahan ng Nangangasiwa ng Panlalawigang Bus sa Pilipinas at Samahang Transport Opereytor ng Pilipinas na taasan ang kanilang sinisingil na pamasahe.

Pormal ng naghain ang grupo ng fare hike petition sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board. Hiling ng mga ito, itaas sa 13 pesos and 30 centavos ang minimum na pamasahe sa mga non airconditioned bus na bumibyahe sa Metro Manila at karagdagang 2 pesos and 45 centavos naman para sa mga susunod na kilometro.

Ang aircon bus naman, mula sa dose pesos na minimum ay nais nilang itaas sa halos 16 pesos at halos tatlong piso naman para sa susunod na mga kilometro.

Sa provincial bus naman, mula sa 9 pesos na minimum fare sa ordinary bus, gusto nilang dagdagan ito ng tatlong piso at karagdagang 1 pesos and 85 centavos naman sa mga susunod na kilometro. Habang dal’wang piso hanggang tatlong pisong dagdag-singil naman sa bawat kilomtero para sa mga aircon bus.

Nauna namang nagsumite ng fare hike petition noong Setyembre ang mga jeepney operators. Nais ng mga ito na gawing sampung piso ang dating walong pisong minimum fare sa jeep.

Pero ayon sa mga ito, hindi pa nakapaloob sa kanilang petisyon ang epekto ng TRAIN Law sa kanilang hanap-buhay kaya pinagsusumite sila ng ammended petition ng LTFRB.

Samantala, hindi naman makikiisa ang ilang jeepney operators sa nakatakdang transport strike ng PISTON sa Lunes bilang pagtutol sa “Tanggal bulok, tanggal usok” campaign ng LTFRB.

Pero iginiit ng LTFRB na hindi nila ititigil ang naturang kampanya ng pamahalaan.

 

( Mai Bermudez / UNTV Correspondent )

Tags: , ,