75% brand ng pangunahing bilihin, wala munang price increase

by Jeck Deocampo | August 28, 2018 (Tuesday) | 12755

 

 

METRO MANILA, Philippines –  Magtataas ng presyo ang nasa 25% ng 200 mga brand ng pangunahing bilihin na mino-monitor ng Department of Trade and Industry (DTI). 75% naman sa mga ito ang wala pang price increase.

 

Batay sa report ni Mon Jocson sa Good Morning Kuya, ang mga kumpanya ay pinakiusapan ng DTI na huwag munang magtaas ng presyo hanggang sa katapusan ng 2018. Pumayag naman ang ilang brand ng de lata gaya ng sardinas at canned meat, gayun na rin mga sabong panlaba.

 

Naghihintay naman ng tugon ang DTI sa mga manufacturer ng gatas, kape at noodles hinggil sa kanilang pakiusap. Datapwa’t may mga hindi muna magtataas ng presyo, mayroong ilan naman ang magpapatupad ng price increase matapos aprubahan ng DTI ang inihabol na request ng mga ito gaya ng ilang detergent.

 

“Itigil muna kung may plano silang mag-increase, kahit P0.50 ay ‘wag muna. Ipagpaliban na nila ‘yun kahit mga tatlong buwan para ‘wag na magsabay-sabay dito sa inflation,” ani ni DTI Secretary Mon Lopez.

 

Tinitiyak ng kagawaran na kahit papaano ay mapananatali nilang stable ang presyo ng mga pangunahing bilihin. Ang kailangan na lamang tutukan ay ang pagtaas sa presyo ng mga agricultural product gaya ng bigas, gulay, isda, manok at baboy.

 

Ngayong linggo ay inaasahang maglalabas ang DTI ng updated list ng expanded suggested retail price.

 

Tags: , , , ,