Ilang botante, nalito sa paggamit ng balota sa simulation ng Comelec sa Maynila

by Radyo La Verdad | April 23, 2018 (Monday) | 6809

Tatlong klase ng botante ang boboto sa barangay at SK elections ngayong ika-14 ng Mayo.

Ang mga edad 15 hanggang 17 na boboto para sa SK, ang mga edad 18 hangang 30 na boboto para sa barangay at SK at ang mga edad 31 pataas na boboto naman para sa barangay elections.

Pero sa simulation na ginawa ng Comelec nitong Sabado, sa isang paaralan sa Tondo Maynila, ilang botante ang nalito sa dalawang klase ng balota na gagamitin sa halalan.

Ayon kay Acting Comelec Chairman Al Parreño, kailangang maturuan ang mga botante na boboto sa SK at barangay.

Malinaw naman ang pagkakaiba ng dalawang balota dahil pula ang letra ng balota ng SK habang itim ang sulat sa balota para sa barangay.

Simula bukas, mag-iikot ang mga opisyal ng Comelec upang tiyakin na may maayos na training ang mga gurong magsisilbi sa halalan.

Magpapasya naman ang komisyon sa kanilang en banc meeting ngayong araw kung magkakaroon pa ng panibagong simulation.

Samantala, malabo nang magtuloy pa ang halalan sa Marawi City.

Ayon kay Parreño, mismong Comelec en banc na ang tumanggi na ihabol pa ang eleksyon doon.

Pero patuloy umano ang pakikipag-ugnayan ng komisyon sa DILG tungkol dito.

 

( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )

Tags: , ,