Ilang biktima ng Bagyong Nina, idinadaing ang umano’y kulang na supply ng relief goods sa Polangui, Albay

by Radyo La Verdad | December 29, 2016 (Thursday) | 1565

allan_reklamo
Tatlong araw na ang nakalipas mula nang manalasa ang Bagyong Nina sa kabikulan subalit banaag pa rin sa maraming residente ang pinsalang iniwan ng bagyo.

Maliban sa probinsya ng Catanduanes at Camarines Sur, naapektuhan rin ng bagyo ang Polangui, Albay.

Batay sa ulat ng Office of the Civil Defense Region 5, nasa 18,965 pamilya o katumbas ng 88,338 persons ang nabiktima ng bagyo sa Polangui.

Kabilang na dito si Aling Cristita Relato na naabutan namin sa tabi ng kalsada sa Brgy. Cabangan, Ilaor Sur, na pilit na isinasalba ang mga nabasang aklat at kuwaderno ng kanyang tatlong anak.

Nasira din ang kanilang tahanan ngunit hanggang ngayon ay wala pa silang natatanggap na anumang tulong mula sa lokal na pamahalaan ng Albay.

Ayon sa isang barangay kagawad ang dapat sana’y 100% na relief goods para sa kanilang barangay, 60 porsyento lang umano ang kanilang natanggap.

Paliwanag naman ni Polangui Vice Mayor Herbert Borja, hindi pa dumarating sa kanilang lugar ang lahat ng relief packs mula sa DSWD.

Inaasahang bukas o sa Sabado umano ay maipamamahagi nila sa iba pang biktima ng bagyo ang karagdagang relief goods.

Tiniyak naman ni Borja na gumagawa na sila ng paraan para matulungan ang mga residente.

Nakipag-ugnayan na rin sila sa iba pang ahensya at non-government organizations para sa recovery efforts.

(Allan Manansala / UNTV Correspondent)

Tags: , ,