Ilang barangay sa Quezon City, lubog sa baha kahapon

by Radyo La Verdad | July 23, 2018 (Monday) | 4719

Nagmistulang ilog ang ilang barangay sa Quezon City kahapon habang nagpapatuloy ang mga pag-ulan na dala ng habagat na pinalakas ng Bagyong Josie. Sa ilang parte ng Barangay Masambong, West Riverside Quezon City ay lagpas-tao ang baha.

Ang mga residente, hindi makalabas ng bahay habang ang iba naman ay kumuha na ng bangka upang kumustahin ang mga residente na pinasok ng baha sa kanilang mga bahay.

Hindi naman madaanan ng maliliit na sasakyan ang Araneta Avenue dahil sa tubig-baha. Sa Mariblo at Del Monte sa Quezon City, tumaas ang baha kasabay ng pag-apaw ng mga creek.

Abot-dibdib naman ang baha sa Barangay Tatalon sa Quezon City kahapon ng umaga. Ngunit pagdating ng hapon hanggang gabi tumigil na ang ulan kaya unti-unti nang humupa ang baha.

Samantala, umabot naman sa 17.4 meters ang lebel ng tubig sa Marikina River dahil sa walang tigil na ulan kahapon ng umaga.

Sa tala ng Marikina City Disaster Risk Reduction Management Office umabot sa 193 millimeters ang rain fall kahapon. Ito ang pinakamataas na volume ng ulan nitong linggo kaya umapaw ang ilog.

Kaya naman nagsagawa ng pre-emptive evacuation ang lokal na pamahalaan sa mga residente na nasa low lying areas. Kabilang sa flood prone areas sa Marikina ang Barangay Tumana, Barangka at Nangka.

Ayon kay Mayor Marci Teodoro, humupa na ang baha sa ilang barangay sa Marikina pero kahit pababa na ang lebel ng tubig sa Marikina River ay isinailalim ng lokal na pamahalaan ang lungsod sa state of calamity.

Sa ngayon nasa 14.3 meters na ang lebel ng tubig ng Marikina River.

Nasa mahigit siyam na raang pamilya o katumbas sa mahigit apat na libong indibidwal ang nanatili sa pitong evacuation center sa marikina na inalalayan ng mga health official.

Sa kabuuan nasa labing pito ang evacuation centers ang inihanda ng lokal na pamahalaan sakaling dumami pa ang evacuees.

 

( Reynante Ponte / UNTV Correspondent )

Tags: , ,