Ilang barangay sa Masbate city, nawalan ng kuryente dahil sa nabuwal na mga poste

by Radyo La Verdad | April 8, 2015 (Wednesday) | 2397

natumbang-poste-2
Tinatayang aabot sa isang libong residente sa apat na barangay sa Masbate city ang nakaranas ng ilang oras na brownout kahapon.

Labingdalawang oras ring nawalan ng kuryente ang mga nakatira sa barangay Kalipay, Bapor, Espinosa at Bagumbayan matapos na mabuwal ang dalawang poste ng kuryente sa may Danao street habang nagsasagawa ng paghuhukay ang city engineering office para sa isang drainage project.

Ayon sa pamunuan ng MASELCO o Masbate electric company sinabihan nila ang mga tauhan ng city enginnering office na hintayin munang malagyan ng brace o suporta ang dalawang poste ng kuryente bago simulan ang paghuhukay.

Subalit hindi umano sila sumunod at agad nang naghukay sa lugar dahilan para matumba ang mga poste.

Muntik pang mabagsakan ang ilang nagdaang traysikel sa lugar ngunit wala namang nasaktan habang ang ilang nasa loob ng bahay ay nagulat nang biglang nawala ang power supply.

Agad namang gumawa ng paraan ang maselco para maremedyuhan ang nasirang linya ng kuryente ngunit inabot pa rin ng ilang oras bago tuluyang naibalik ang kuryente kagabi.

Kinailangan ring palitan ng panibagong transformer at dalawa pang poste dahil nadamay ito sa pagkasira.

Paalala naman ng maselco sa mga gumagawa ng drainage na makipag-ugnayan muna sa kanilang opisina bago maghukay upang maiwasan ang katulad na insidente. (Gerry Galicia,UNTV Correspondent)