METRO MANILA – Ilang European countries ang naglabas ng safety warning kaugnay ng Lucky Me instant pancit canton, partikular na ang Ireland at Malta.
Sa inilabas na pahayag ng Department of Information ng Malta, inabisuhan ang mga residente nito na iwasang kumain ng nasabing produkto dahil nagtataglay ng mataas na antas ng ethylene oxide, isang pesticide.
Kabilang na dito ang Lucky Me pancit canton original, hot chili, kalamansi, at chili mansi flavors.
Gayundin ang lucky me instant noodle soup artifical beef flavour.
Ang Food Safety Authority of Ireland naman, pinare-recall ang isang batch ng Lucky Me instant pancit canton original noodles na may best before date na July 20, 2022 at Thailand ang country of origin.
Dahil na rin ito sa unauthorized pesticide na ethylene oxide.
Hindi ginagamit ang pesticide sa mga pagkaing ipinagbebenta sa European Union ayon pa sa ahensya.
Dagdag pa nito, bagamat walang malubhang epekto sa kalusugan ang contaminated product, posibleng magkaroon ng health issues kung patuloy na ikokonsumo ang ethylene oxide sa mahabang panahon.
Sa pahayag namang inilabas ng Lucky Me, nilinaw nitong hindi idinadagdag ang ethylene oxide sa kanilang produkto.
Subalit karaniwan umano itong ginagamit sa treatment ng spices at seeds upang ma-kontrol ang microbial growth sa mga produktong pang-agrikultura.
Posible rin anilang makita pa rin ang traces ng pesticide sa mga material kapag prinoseso bilang seasoning at products.
Pagtitiyak naman nito, rehistrado sa Philippine Food and Drug Administration (FDA) ang lahat ng Lucky Me products at sumusunod sa local safety standards at US FDA standards para sa ethylene oxide.
Ayon naman sa Department of Health (DOH), sinusuri na ng Food and Drug Administration (FDA) ang mga produktong sangkot sa safety warning ng ilang European countries.
(Rosalie Coz | UNTV News)
Tags: DOH, Pancit Canton, Pesticide